Mahal, balikan natin ang kwento.
Alalahanin natin kung paano nga ba nabuo yung “tayo”.
Naaalala mo pa ba?
Ang mga panahon na kay saya nating dalawa.
Yung mga panahon kung kailan sobrang lakas ng tawa natin kaya napapatingin na lang bigla yung iba.
Naaalala mo pa ba?
Ang mga kilig at ngiti,
ang mga halakhak at tili,
at yaong mga titig at kindat ko sayo palagi.
Naalalamo pa ba?
Yung mga oras na tayong dalawa ay magkaharapan
tapos habang tulala sa iyong mukha ay mapapa-isip na lang ako ng biglaan,
tapos sasabihin ko sa iyong ang ganda mo talaga,
napakaganda mo talaga kay sarap mong titigan.
Mahal, iyo pa bang natatandaan?
Kung paano nagbago ang takbo ng istorya?
Kung paanong ang pag-ibig natin ay sumabay sa panahong malamig,
At habang tumatagal ay puro sumbat at sigaw na lang ang laging naririnig.
Ang dating matatamis na dila ay naging matatalim na bibig,
at kung paanong unti-unting naglaho ang pag-ibig at kilig.
Natatandaan mo pa?
Kung paanong ang istorya natin na dati ay parang halaman na kay ganda ng tindig,
ay unti-unting yumuko sapagkat nagkulang na sa dilig.
Kulang na sa oras at kalinga,
Kulang na sa tamis at tiwala,
Kulang na sa yakap at alaga.
Mahal, natatandaan mo pa ba kung paano natapos yung lahat?
Kung paanong ang dating malapit na tayo ay biglang lumayo ang agwat.
Malamang hindi na.
Tanggap ko sa sarili ko na ako ang may kasalanan.
Tanggap ko na ako yung dahilan.
Pero sana naman.
Sana naman.
Bago mo tuldukan ang kwento, bago mo isara ang libro,
Nawa ay pakinggan mo ang ilang katagang sasabihin ko.
Salamat at patawad.
Patawad sa lahat.
Patawad kung iniwan kita.
Patawad kung napabayaan kita.
Patawad kung ilang beses kang umiyak.
Patawad kung ako yung dahilan kung bakit nabiyak,
ang puso mo.
Patawad.
Hindi ko hinihiling na magsimula tayo ulit.
Hindi ko hinihiling na ang tayo ay ibalik.
Hindi ako humihingi ng huling yakap at halik.
Bagkus nais kong sabihing salamat.
Salamat unang-una sa masasayang alaala.
Salamat sa mga halakhak at tawa, sa mga katagang mahal kita.
Salamat sa pag-aalaga, sa pagpapahalaga at sa pagaalala.
Salamat sa oras at panahon at sa ilang beses na pagtanggap mo sa akin noon.
Maraming salamat sa mga halik na banayad.
Maraming salamat sa pagpapatawad.
Salamat na ikaw ay aking nahanap,
Na ikaw ay nakasama kong maglakad habang magkahawak-kamay
Na ikaw ay nakasama kong manood ng mga bituin sa langit habang magka-akbay,
Na tayong dalawa ay ngumiti at umiyak ng magkasabay,
Na ako ay sinamahan mo sa pagbuo ng kwento nating dalawa.
Ngunit katulad ng litrato na napaglipasan ng panahon na kumupas at nalaos,
Ang kwento nating dalawa’y unti-unting nagtapos.
Nakakapanghinayang.
Tunay ngang nakakapanghinayang.
Na ang istorya na akala natin ay maganda ang katapusan
ay magtatapos ng ganun ganun lang.
Pero wala na tayong magagawa.
Ang tayo noon ay isa na lang "ikaw" at "ako" sa nakaraan ngayon.
Ngayon na parehas na tayong nakawala sa kadenang dulot ng sakit sa nakaraan,
Ngayon na pareho na tayong malaya sa isa’t isa at sakit na nararamdaman.
Ngayon na nakasarado na ang libro natin at di na mabubuksan pa kailanman.
Ngayon na wala ka na sa akin.
Ngayon na tuluyan mo na akong nilisan at tinalikuran.
Ngayon na kwento na lang ang lahat ng mga nangyari noon.
Nais kong sabihing salamat at patawad.
Sa iyong pag-alis.
Awwts. This hurts! Nice pick Mae.
ReplyDeleterelate na relate dito eh hahaha.
ReplyDeleteHahaha! So sad for you. :(
DeleteThank you sa pag-feature ng tula ko. Thank you sa pag- appreciate. :)
ReplyDeleteVery much welcome! Cheers to more composition for you! 😊
Delete